Sunday, March 15, 2009

Isang Usapan

Badong: Walang perpektong relasyon, katulad din ng walang perpektong pamilya at walang perpektong sarili. Kung ang sarili ay hindi perpekto, ang mga relasyon pa kaya na ang gumagawa at bumubuo lamang ay ang mga ‘sarili’? Kaya nga siguro nabuo ang konsepto ng pakikipagkasundo, upang magkaroon nang pagpunan sa mga kakulangan ng sarili.

Corazon: Laging sinasabi ng tao na dapat mong mahalin ang iyong sarili ng higit sa lahat, dahil hindi ka makakapagbigay ng pagmamahal sa iba kung ikaw mismo ay salat dito. Katangahan na raw ang tawag sa pagmamahal na iyon, kapag minahal mo ang iba ng higit sa sarili mo. Pero, paano nga ba sinusukat ang pagmamahal? At paano masusukat ng tao ang pagmamahal ng iba? Hindi ba matatawag na pagmamahal sa sarili ang pagpili sa mga bagay na makakapagpaligaya sa iyo?

Badong: Hindi nga ba gamitan lang ang pagmamahal? Hindi ba natin ginagamit ang mga tao sa paligid natin para lamang sa ating sariling kapakanan? Hindi ba ang lahat ng ating kinikilos ay para sa ating sariling kaligayahan?

Corazon: Hindi ko kailangang patunayan sa buong mundo ang pagmamahal niya para sa akin, hindi naman ako ang buong mundo at hindi naman ang buong mundo ng tatanggap sa pag-ibig niya kung hindi ako. Ako lamang, wala ng iba. Naisip ko, kahit ilang beses niyang ipagsigawan sa lahat ang pagmamahal niya sa akin, kahit ilang ulit niyang ipilit sa iba na ako ang iniibig nya, at kahit mapaniwala niya ang lahat na totoo ang hangarin niya para sa akin ay mawawalan din ito ng silbi kung ako mismo ay hindi naniniwala dito.

Badong: Maraming bagay ang hindi namin napagkakasunduan, maraming beses na rin kaming nagkasakitan, pero sa tuwing babalikan ko ang aming mga pinagdaanan, wala akong maramdaman kung hindi kaligayan.

Corazon: Tinanggap ko siya, dahil napatunayan niya sa akin ang pagmamahal niya. Tinanggap ko siya, kasabay ng pagtanggap ko sa buong pagkatao niya.
Badong at Corazon: Maligaya ako ng dahil sa pagmamahal.

Badong: Minamahal ko siya kasi maligaya ako sa kanya, minamahal ko siya dahil mahal niya rin ako, at maligaya kami sa piling ng isa’t isa. Hindi ko siya binibitawan dahil mahal ko siya, at hindi ko siya kailan man bibitiwan hanggat nararamdaman kong mahal niya ako.

Corazon: At dahil dun, masasabi kong nagmamahal ako.

Badong: At dahil dun maligaya ako.



*WAKAS*

No comments:

Post a Comment