Friday, December 5, 2008

Fairytale

To quote her:
"I hope to live the fairytale... I also want my Prince Charming to rescue me, of course."

Walang mali sa paniniwala sa happy-ending, sa fairytales o maging sa paniniwala sa mga kwentong nilikha lamang ng isip. Ngunit nagsisimula ang mali kung dumating ka sa sitwasyon na akala mo ay "Sya na ang prince charming ko" at habang tumatagal na nakikilala mo siya at napatunayan mong hindi siya perpekto ay "I don't want you anymore. Please, let me go."

Walang perpektong tao sa mundo. Walang perpektong relasyon. Walang perpektong pagmamahal at walang perpektong nagmamahalan. Hindi ba at nakakapagtaka na madalas na natatapos sa araw ng kasal nila ang isang fairytale? At ang sunod mo lamang na mababasa huling pahina ay ang mga salitang "and they lived happily ever after." Hindi ka ba napapaisip kung paano nila napagtagumpayan ang kanilang relasyon? Kung paano nila nireresolba ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan? Kung nagtalo ba sila sa kung anong ulam ang iluluto, kung anong dapat isuot kapag matutulog, kung aircon ba o electric fan ang gagamitin, at iba pa?

 Hindi ang lahat ng bagay sa mundo ay katulad ng isang fairytale, kung saan ang bida ay naghihintay ng isang Prince Charming na sasaluhin at ipagtatanggol siya sa tuwing nasa panganib ang buhay niya. Hindi katulad ng fairytale ang totoong buhay kung saan ang tanging kontrabida lamang ay Evil Stepmother o di kaya ay isang fairy na naapakan ang pride dahil sa hindi ito inimbitahan sa pagtitipon. Hindi ganun kabilis makuha ang happily ever after sa totoong buhay. Hindi komo’t natagpuan mo na si Prince Charming at inilapat na niya ang kanyang labi sa iyong labi ay makukuha mo na ang minimithi mong ending na "and they lived happily ever after". Kailangan mong mag-invest para maging maligaya. Hindi komo't hindi na perpekto ang mga nangyayari ay bibitaw ka na. Hindi fairytale ang buhay para lamang kapag napatunayan mong hindi prince charming ang minahal mo ay bibitawan mo na siya.