Sunday, August 31, 2008

Pagsilip


Nakikita ko kung paano niya ginagawa ang lahat upang maging mas mabuting tao sa kung ano siya dati. Hindi ko sinasabing ebidensya ang mga pagbabagong naganap sa pisikal na aspeto kung hindi ang mga pagbabagong naganap sa kanyang buong pagkatao. 


Nakikita ko kung paano nilalaro ng emosyon ang isang taong hinubog ng panahon upang hindi makadama. Hindi ko sinasabing ebidensya ang madalas na pagtatagu-taguan na naganap ng mga nakaraang araw kung hindi ang patuloy na pagpapatag niya ng lupa para sa bahay-bahayan. 


Nakikita ko kung paano niya binubuksan ang kanyang sarili para sa iba. Hindi ko sinasabing ebidensya ang mga tulong na ginagawa niya para sa inyo kung hindi ang mga nakaraan niyang inilalahad sa kasalukuyan.


Nakikita ko kung paano siya magmahal. Hindi ko sinasabing ebidensya ang kanyang mga pinagdaanan kung hindi ang mga bagay na handa pa niyang pagdaanan para lamang sa kasalukuyan.


Nakikita ko kaya ngayon ay nabibigkas ko. Nakikita ko kaya ngayon ay nahahawakan ko. Nakikita ko kaya ngayon ay nakakadama ako.


Nadadama ko.

Tumahimik ang Pipi Sapagkat Hindi rin naman ito Maririnig ng Bingi

Binigkas ng bibig ang isang salitang hindi nais marinig ng tainga.
Naramdaman ng puso ang isang emosyong ayaw tanggapin ng sikmura.

Nasaktan ang tao sa katotohanang hindi kayang pantayan ng kasalukuyan ang isang nakaraang habambuhay nang magiging parte ng kinabukasan.

Panakip Butas

Sinabi ko minsan sa isang kaibigan ang konsepto ko ng panakip butas. Ang sabi ko sakanya, lahat ng tao ay panakip butas lamang. Madalas nakakalimutan ng isang tao ang isang taong naging bahagi ng buhay niya ng dahil sa pagdating ng isang taong naiisip niyang maaaring pumalit sa posisyong binakante ng nakalipas. 

Ang lahat ng tao, aminin man natin at hindi ay panakip butas lamang. Panakip butas sa kakulangan ng buhay, pampatse sa isang butas ng nakaraan at ng kahapon, pangtagpi sa butas ng estadong kinasasaglakan sa ngayon. 

Ako, naging isang pankip butas. Isang taong panakip butas sa kakulangan ng buhay at panakip butas sa sugat na iniwan ng kahapon. Ikaw, naging panakip butas sa sakit at hapding dulot ng pag-iisa at ng emosyong hindi masuklian. Lahat tayo naging panakip butas, at lahat tayo ay mananatiling panakip butas.

Ang tanging pinagkaiba iba lamang natin ay ang taong gagamit sa atin upang ipangpatse, ipangtapal, at ipangtakip sa butas. Nakadepende sa taong iyon kung hanggang kailan ka niya ipangpapatse, ipangtatapal, at ipangtatakip sa butas. Nakadepende sa taong iyon kung papalitan ka niya at kung buo ang loob niyang ikaw na ang panghabangbuhay na magpupuno ng mga kakulangan niya. Pero kung anuman ang kahinatnan ng lahat, saan man tayo tumingin, ang lahat ng bagay sa mundo ay panakip butas lamang.

Pinapatsehan, tinatapalan, tinatakpan lamang natin ang bahagi ng ating mga pagkataong may kulang. At dito papasok ang katotohanang ang pag-ibig ay isang uri ng gamitan Ginagamit natin ang bawat isa upang punuan ang kalungkutan at kakulangan ng ating buhay. Gumagamit tayo ng mga panakip butas upang patuloy na mabuhay, upang patuloy na makadama, upang patuloy na maging maligaya.

Para Saan ang Sobra?


Lahat tayo ay handang magtitiis para lang sa kaligayahan at pag-ibig. 

Minsan kahit hindi ka masaya ay papaniwalain mo ang iyong sarili na masaya ka at hindi ka nasasaktan. Minsan magpapanggap kang maligaya kahit ang tanging nararamdaman mo lamang ay hapdi, dusa, sakit, at kung anu ano pang negatibong emosyon. Minsan, magpapanggap ka, para lamang makita ang isang taong maligaya.

Minsan kahit ilang ulit na nais na pumatak ng iyong luha ay kailangan mong patatagin ang iyong puso upang hindi umagos ang likidong sinasabi nilang ebidensya ng iyong kahinaan. Minsan , kinakain mo ang iyong natitirang sandata para lamang sa isang taong hindi mo alam kung hanggang kailan mananatili sa iyong tabi. Minsan minamahal mo ang isang tao at sapat na saiyo ang garampot na pag-ibig na makukuha mo sa kanya. 

Masakit ang katotohanang isa ka lamang pag-ibig na hindi makakagawang lampasan ang nakaraan. Kaya minsan mapapaisip ka kung sapat nga ba ang kaunti para lamang maging maligaya.

Tuesday, August 19, 2008

Isang Ngiti



Sapat ang isang ngiti upang mapunuan ang kakulangan.

Sapat ang isang ngiti upang malimutan mong kahapon lamang ay puno ka ng hinanakit.

Sapat ang isang ngiti upang maramdaman mo ang pagmamahal.

Sapat ang isang ngiti upang maging maligaya't muling makaramdam.

Monday, August 18, 2008

Salat


Andyan, ngunit hindi mo maramdaman,
Para kang minamanhid ng sarili mong kaligayahan.
Nakikita, nahahawakan, naririnig, naamoy, nalalasap
Pero bakit hindi mo maramdaman?

Sapat ang pagmamahal upang pawiin ang milyun milyong kalungkutan,
Ngunit sapat din ang isang himaymay ng pagkawala 
Upang maramdaman mong may kulang.